May koneksyon ba ang sakit sa ngipin at gilagid sa pagkakaroon ng heart attack o stroke?
Ayon sa wellness doctor na si Dr. Edwin Bien, may koneksyon ang sakit sa ngipin at gilagid sa pagkakaroon ng sakit sa puso o stroke dahil may kinalaman ito sa pagdaloy ng dugo at sa impeksyon na maidudulot nito sa katawan.
Ilan sa mga sakit na posibleng may koneksyon sa sakit sa puso o stroke ay ang gingivitis o papamaga ng gums, at periodontitis o pamamaga ng tisyu sa paligid ng ngipin na maaaring magdulot ng pagkasira nito.
"Ang mga may gingivitis, kaya pala hindi naghihilom ang pamamaga ng gums nila ay dahil sa poor blood flow din," banggit nito.
"Sa gingivitis pala, ang nangyayari, between the gum and the teeth doon naninirahan ang bacteria."
Kapag lumala ang gingivitis, maaaring manuot ang bacteria sa buto ng ngipin na magreresulta sa periodontitis.
Paliwanag ni Bien, nagdudulot ng plaque ang bacteria sa ngipin. Kapag hindi ito naagapan, maaaring maapektuhan na rin nito ang daloy ng dugo at unti-unting makasira ng blood vessels sa puso at maging sa utak.
Sa pag-aaral sa Harvard Medical School noong 2014, sinasabi na kapag hindi napanatili ng isang pasyente ang dental health niya, maaaring tumaas ang posibilidad na magkaroon siya ng chronic health problems.
Payo nito, palaging bumisita sa doktor at dentista para malaman ang kalagayan ng ngipin at ng katawan.
SOURCE:ABS-CBN