Ngayong bakasyon, mas maraming pagkakataon ang mga bata na makagamit ng gadgets at makapaglibang sa tinatawag na "digital world." Pero mayroon umano itong masamang epekto sa mga bata na dapat bantayan, ayon sa dalubhasa.
Sa isang ulat ng GMA New TV's "Balitanghali" nitong Lunes, makikita ang batang si "Biban" na tahimik na gumagamit ng kaniyang "tablet."
Ayon sa kaniyang ina, ganito raw ang kaniyang apat na taong gulang na anak kapag naka-gadget.
Pero kapag nainip ang bata at bumagal ang internet connection, naiinis siya.
"Maghapon, tapos sa gabi hangang hatinggabi siya," anang ina ng bata na si Mitchie. "Minsan nagpipigil din kami pero minsan wala kaming magawa kasi nagwawala nga siya."
Pag-amin ng ina, nagkakaroon ng tila attitude problem ang kaniyang anak.
At hinala niya, tila may kinalaman sa pagbabago ng ugali ng anak ang labis nitong paggamit ng gadget at pagbababad sa internet.
"Yung sa ipad kapag hindi niya ma-ano, tinutuktukan niya yun ipad 'pag nagagalit na siya," pagbahagi niya.
Ayon sa child psychologist na si Dra. Rizason Tian-Ng, hindi dapat masanay ang mga bata sa "digital world" na "instant" ang lahat.
"Ang paggamit ng ipad instant. 'Pag pindot niya may change of scene o may command na nagagawa. Iba 'yan sa real world. Sa real world, dapat matuto tayong maghintay, matuto tayong mag-taking turns," paliwanag ng duktora.
Dapat umanong bantayan at tutukan ng mga magulang ang kanilang mga anak at limitahan ang oras ng paggamit nila ng internet o gadgets na hindi lalagpas sa dalawang oras kada araw.
"Hindi na sila nakakakain, hindi na sila nakakausap, minsan nga pati pagpunta sa banyo hindi na nagagawa," dagdag pa ni Tian-Ng. "Nagkaroon na siya ng habit na sanay siya at gusto niya hinahanap niya yun oras ng pagko-computer. Kapag umabot sa ganun kasi medyo may alarm bells na tayo."
Sa pag-aaral ng grupong Play Pilipinas, lumitaw umano na 18 percent ng nilalaro ng kabataan ngayon kapag may pasok at 29 percent tuwing weekend ay mga modern games o mga laro gamit ang bagong teknolohiya.
"Increasingly more and more parents are allowing their kids to engage in more digital games," ayon kay Sigrid Perez, executive director ng Play Pilipinas.
Bukod sa hindi magandang epekto sa ugali ng mga bata ang babad na paggamit ng internet, may peligro rin na malantad sila sa mga litrato, video at web links na hindi naayon para sa mura nilang kaisipan.
At para maiiwas dito ang mga bata, pinapayuhan ang mga magulang na limitahan o i-block ang mga site na hindipambata.
Magagawa ito sa pamamagitan ng paggamit ng filtering and privacy option sa mga social media accounts.
"Sa facebook, may smart filters 'yan sa settings so that yun newsfeed na nakikita ng bata hindi unpleasant. Sa Youtube, mayroong mga Youtube app for kids," ayon kay Justin Joyas, social media manager ng GMA News.
Maging ang mga browser ay pwede rin umanong gawing child friendly.
Ang pinakamahalaga pa rin sa huli ay ang tamang paggabay ng mga magulang at nakatatanda sa mga bata sa paggamit ng gadgets at interner, at maging magandang halimbawa sa kanila.
SOURCE:GMA NEWS